5.03.2010

GRATITUDE



May mga bagay na hindi na kailangang ituro pa, gaya ng pakikisama, pagsasabi ng salamat at pagtanaw ng utang na loob. Maraming paraan kung paano maipapakita ito at isa na diyan ay ang pagkakaroon ng pusong mapagbigay. Dapat hindi madamot... hindi sakim. Ang taong mapagbigay hindi maka-AKO. Hindi puro sariling kapakinabangan ang iniisip. Hindi siya makasarili. Ang lagi niyang iniisip ay kung sino ang nakasama niya noong siya ay nagsisimula pa lamang, kung sinong tumulong sa kanya kaya narating niya ang kinaroroonan niya, kung sino ang sumuporta sa kanya kaya maginhawa na ang buhay niya ngayon.

Ang taong nag-unat ng kanyang kamay para tumulong ay hindi humihingi ng kapalit... gusto lang niyang marinig ang salitang "salamat"... gusto lang niyang maramdaman na espesyal siya dahil alam mo na hindi ka niya tinalikuran noong panahong walang gustong tumulong sa'yo.

Ang taong marunong tumanaw ng utang na loob ay mas lalong pinagpapala. Ang taong mapagbigay ay higit na binibiyayaan.
Mas mabilis sinasagot ang mga panalangin niya dahil alam ng Diyos na sa bawat biyayang tinatanggap niya ay mas higit na maraming nakikinabang. Walang scientific explanation or mathematical equation kung bakit ganon. Basta nangyayari na lang. Alam kasi ng Ama kung sino ang kapag nabigyan ay hindi nagkakaroon ng amnesia.

Ikaw, may amnesia ka ba?

PAY IT FORWARD DUDE.

No comments:

Post a Comment